Ginagamit natin ang kasabihang, ‘nakatali ang dila’ para ilarawan ang sandali na wala tayong masabi.
Minsan, natatali ang dila natin habang nagdadasal, hindi natin alam kung ano ang sasabihin. Natatali ang mga dila natin sa mga paulit-ulit na pangungusap. Itinutuon ang emosyon, iniisip kung aabot ba iyon sa tenga ng Dios. Wala sa Dios ang ating atensyon.
Sa sulat ni Apostol Pablo sa mga mananampalataya sa Roma, sinabi niya kung ano ang gagawin kapag hindi natin alam kung paano manalangin. Inimbita niya tayo na humingi ng tulong sa Banal na Espiritu. Sinabi ni Pablo, “Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin” (Roma 8:26). Ang konsepto ng “pagtulong” dito ay gaya ng pagbubuhat ng mabigat na dalahin. At ang “daing na ’di kayang sabihin” ay nagpapahiwatig ng pamamagitan at pagdadala ng Espiritu ng mga pangangailangan natin patungo sa Dios.
Kapag natali ang dila natin sa pagdadasal, hinuhubog ng Espiritu ng Dios ang ating pagkalito, paghihirap, at pagkagambala para maging isang perpektong panalangin ito, na kikilos mula sa ating puso patungo sa tenga ng Dios. Nakikinig at sumasagot Siya, dinadala Niya ang ginhawa na hindi natin alam na kailangan pala natin, hanggang sa hiniling nating ipanalangin Niya tayo.