Minsan, sinanay ni Michelle Grant ang isang sanggol na beaver na si Timber para ibalik sa gubat. Kapag dinadala niya ito sa lawa para lumangoy doon, bumabalik ito sa kanya para magpayakap at ikuskos ang ilong sa kanya. Isang umaga, hindi bumalik si Timber. Naglibot si Michelle sa lawa sa loob ng anim na oras bago sumuko. Maraming linggo pagkatapos, nakakita siya ng isang bungo ng beaver. Sa pag-iisip na si Timber iyon, napaiyak siya.
Nalulungkot naman ako para kina Michelle at Timber. Ang totoo, nagmamalasakit ako—at ang Dios din. Umaabot ang pagmamahal Niya mula sa langit hanggang sa pinakamaliit na nilalang, bahagi sila ng nilikha na iniutos Niyang pamahalaan natin nang maayos (Genesis 1:28). Iniingatan Niya “ang mga tao o hayop” (Salmo 36:6), binibigyan ng “pagkain ang mga hayop at ang mga inakay ng uwak” (147:9).
Isang araw habang nagka-kayak si Michelle sa lawa ng kapitbahay, nagulat siya dahil nakita niya si Timber! Nakahanap ito ng isang pamilya ng mga beaver at tumutulong sa pagpapalaki ng dalawang batang beaver. Sumulpot ito sa tabi ng kayak ni Michelle. Ngumiti siya. “Mukhang masaya ka. Ang ganda ng pamilya mo.” Gumawa ito ng mahinang tunog at iginalaw ang buntot, saka lumangoy pabalik sa bagong nitong nanay.
Gustung-gusto ko ang masasayang wakas! Ipinangako ni Jesus na kung paano pinakakain ng Ama ang mga ibon, ibibigay Niya ang anumang pangangailangan natin (Mateo 6:25-26). Walang maya na “nahulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama ... Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya” (10:29-31).