Minsan nang naging tahimik sa parke sa tabi ng ilog. Dumaraan ang mga nag-jo-jogging, may mga namimingwit, habang kami naman ng asawa ko ay nakaupo at pinagmamasdan ang isang magkasintahan. Siguro lampas 40 na ang edad nila at nag-uusap sila sa isang wika na hindi namin naiintindihan. Nakaupo ang babae at nakatitig sa lalaki, habang ang lalaki ay kumakanta ng love song sa sarili nilang wika. Kasabay ng ihip ng hangin, rinig na rinig namin ang awiting iyon.
Ipinapaalala naman ng pangyayaring iyon sa akin ang Aklat ni Propeta Zefanias. Noong panahon ni Zefanias, naging masasama ang mga tao dahil sa pagsamba nila sa mga pekeng Dios (1:4-5). Naging mayabang at bastos ang mga propeta at pari (3:4). Sa maraming parte ng aklat, ipinahayag ni Zefanias ang parating na hatol ng Dios hindi lang sa bansang Israel kundi sa lahat ng bansa sa mundo (Tal. 8).
Pero may nakitang iba pa si Zefanias. Mula sa madilim na araw na iyon, lalabas ang mga taong buong pusong nagmamahal sa Dios (Tal. 9-13). Sa mga taong ito, ang Dios ay magiging parang lalaking ikakasal na natutuwa sa Kanyang minamahal: “Sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig ay babaguhin Niya ang inyong buhay. Aawit Siya nang may kagalakan dahil sa inyo” (Tal.17).
Manlilikha, Ama, Mandirigma, Hukom. Gumamit ang Kasulatan ng maraming titulo para sa Dios. Pero ilan sa atin ang nakakakita sa Dios bilang Mang-aawit ng kanta ng pag-ibig para sa atin?