Noong ika-17 siglo, kinaugalian na ng mga importanteng tao ang pagpapakita ng kanilang larawan. At hindi kakaiba kung iiwasan ng pintor ang mga di-magagandang aspeto ng mukha ng isang tao. Pero si Oliver Cromwell na kilala bilang “protektor ng bansang England,” ayaw ng larawan na mambobola lang. Binalaan niya ang pintor, “Dapat ipinta mo kung ano talaga ang itsura ko—kasali pati ang mga kulugo ko—kung hindi, hindi kita babayaran.”
Sumunod ang pintor. Ang natapos na larawan ni Cromwell ay nagpakita ng ilang kulugo sa mukha na kung sa panahon ngayon ay baka ginamitan na ng filter .
Ang kasabihan na “warts and all” ay nagkaroon ng kahulugan na dapat tinatanggap ang mga tao kung sino talaga sila—kasali ang mga nakakainis na kamalian, ugali, at problema. Sa ibang kaso, pakiramdam natin ay napakahirap niyong gawin. Pero kung titingnan pa natin nang maige, baka makita natin ang mga di-magagandang aspeto ng sarili nating karakter.
Nagpapasalamat tayo sa Panginoon na tanggap Niya ang ating kakulangan at kapintasan. Pinapatawad Niya tayo. At sa Colosas 3, tinuruan tayo na ganoon din ang gawin sa iba. Inuudyukan tayo ni Apostol Pablo na maging mas mapagpasensya, mabait, at maawain—kahit sa mga mahirap mahalin. Dapat magkaroon tayo ng mapagpatawad na espiritu dahil sa pagpapatawad sa atin ng Dios (Tal. 12-13). Sa halimbawa Niya, natututo tayong magmahal gaya ng pagmamahal sa atin ng Dios—kasali ang mga kulugo at lahat na.