Sa isang sikat na video, makikita ang matandang babae na nakaupo sa wheelchair. Dati siyang sikat na mananayaw ng ballet, si Marta Gonzalez Saldaña na ngayon ay may Alzheimer’s disease.
Pero may kakaibang nangyari nang tugtugin sa kanya ang Swan Lake ni Tchaikovsky. Habang tumutugtog iyon, mabagal na tumaas ang mahihina niyang kamay; at sa tunog ng unang trumpeta, nagsimula siyang magsayaw sa silya niya. Kahit nanghihina ang isip at katawan, naroon pa rin ang kanyang talento sa pagsayaw.
Habang pinapanood ko ang video, naalala ko ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa pagkabuhay na muli sa 1 Corinto 15. Ikinumpara ang katawan natin sa buto na itinanim bago tumubo at naging halaman, sinabi niya na kahit nabubulok ang ating katawan dahil sa edad at sakit, ang mga katawan ng mga nagtitiwala kay Jesus ay muling bubuhayin at ’di na mabubulok (Tal. 42-44). Katulad ng buto ng halaman, tayo ay magiging “tayo” pa rin pagkatapos ng pagkabuhay na muli, nandoon pa rin ang personalidad at talento, at hindi na kagaya ng dati.
Nang magsimula ang Swan Lake, maaaring nakayuko si Marta, siguro iniisip niya kung sino siya dati at kung ano ang hindi na niya magagawa ngayon. Pero lumapit ang isang lalaki at inabot ang kamay niya. Ganoon din naman sa atin. Tutugtog ang mga trumpeta (Tal. 52), isang kamay ang aabot, at tatayo tayo para sumayaw nang ’di pa natin nagagawa dati.