Maiksi pero madalian ang email na iyon. “Humihingi ng kaligtasan. Gusto kong makilala si Jesus.” Nakamamanghang hiling hindi gaya ng mga nag-aatubiling kaibigan at kamag-anak na hindi pa tumatanggap kay Cristo, ang taong ito ay hindi na kailangang kumbinsihin pa.
Ang trabaho ko ay ang patahimikin ang mga pagdududa ko sa sarili tungkol sa pagpapahayag ng Magandang Balita at ibahagi lamang ang mga importanteng konsepto, Kasulatan, at mapagkakatiwalaang pagkukunan na sasagot sa hiling ng lalaki. Mula doon, sa pamamagitan ng pananampalataya, gagabayan siya ng Dios sa paglalakbay niya.
Ipinakita naman ng lingkod ni Jesus na si Felipe ang simpleng pagpapahayag ng Mabuting Balita noong nasa daan siya at nakilala niya ang ingat-yaman ng Ethiopia na nagbabasa ng Aklat ng Isaias. Nagtanong si Felipe, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?” (Gawa 8:30, MBB). Sumagot ang opisyal, “Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” (Tal. 31). Matapos maanyayahan, “Ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus” (Tal. 35).
Isang epektibong paraan ang ipinakita ni Felipe. At habang nagbibiyahe ang dalawa, sinabi ng lalaki, “May tubig dito” at hiniling niyang mabautisuhan siya (Tal. 36). Sumunod si Felipe at ang lalaki ay “masayang nagpatuloy sa paglalakbay” (Tal. 39). Natutuwa ako nang sumagot ang nag-email at nagsisi raw siya sa kasalanan, tinanggap at nagtiwala kay Cristo bilang Dios na Kanyang Tagapagligtas. Nakahanap din siya ng simbahan kung saan nagtitipon ang mga nagtitiwala kay Jesus. Napakagandang simula! Nawa gabayan siya ng Dios sa paglalakbay niya!