Sa mga libro ni Martin Handford na Where’s Waldo?, isang serye ng mga pambatang puzzle book, ang mailap na karakter ay nakasuot ng pula at puting guhit-guhit na kamiseta at medyas na may katernong sumbrero, asul na pantalon, brown na sapatos, at salamin. Matalinong itinago ni Handford si Waldo sa mga larawan ng maraming karakter sa iba’t ibang lugar sa mundo. Hindi parating madaling mahanap si Waldo, pero pinapangako ng gumawa ng puzzle na mahahanap siya parati ng mambabasa.
Kahit hindi kapareho ng paghahanap kay Waldo sa puzzle book ang paghahanap sa Dios, nangangako ang ating Manlilikha na mahahanap din natin Siya.
Sa pamamagitan ni Propeta Jeremias, inutos ng Dios sa bayan Niya kung paano sila dapat mabuhay bilang mga dayuhan sa ibang bansa (Jeremias 29:4-9). Ipinangako Niyang poprotektahan sila hanggang sa ibalik Niya sila ayon sa Kanyang perpektong plano (Tal. 10-11). Tiniyak ng Dios sa mga Israelita na ang katuparan ng pangako Niya ay magpapalalim sa kanilang desisyon na tumawag sa Kanya sa panalangin (Tal. 12).
Ngayon, kahit inihayag na ng Dios ang sarili Niya sa kuwento at Espiritu ni Jesus, madali pa rin tayong mahawa sa kaabalahan ng mundong ito. Kaya baka matukso tayong magtanong, “Nasaan ang Dios?” Pero ang Manlilikha at Tagapagtaguyod ng lahat ay nagsasabing palagi Siyang mahahanap ng mga nagtitiwala sa Kanya, kung hahanapin natin Siya nang buong puso (Tal. 13-14).