Malungkot ang mga mata sa larawan na Simon of Cyrene na ipininta ni Egbert Modderman. Kita sa mga mata ni Simon ang matinding pisikal at emosyonal na bigat ng responsibilidad niya. Sa kuwento sa Marcos 15, nalaman nating hinila si Simon at sapilitang pinagpasan ng krus ni Jesus.
Sinabi ni Marcos na taga-Cyrene si Simon, isang malaking lungsod sa Africa na maraming Judio noong panahon ni Jesus. Malamang nagpunta si Simon sa Jerusalem para magdiwang ng pista ng Paskuwa. Doon nakita niya ang sarili sa gitna ng di-makatarungang paghatol, pero nakagawa siya ng maliit pero makahulugang tulong kay Jesus (Marcos 15:21).
Sa bandang unahan ng Marcos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod Niya, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin” (8:34, MBB). Sa daan papuntang Golgota, literal na ginawa ni Simon ang matalinhagang hiling ni Jesus sa mga disipulo Niya: pinasan niya ang krus na ibinigay sa kanya at binuhat iyon para kay Jesus.
May mga “krus” din tayong kailangang pasanin: siguro isang karamdaman, isang mapanghamong gawain sa ministeryo, pag- kawala ng mahal sa buhay, o pag-uusig dahil sa ating pananam-palataya. Habang pinapasan natin ang mga paghihirap na ito sa pamamagitan ng pananampalataya, itinuturo natin ang mga tao sa paghihirap ni Jesus at ang sakripisyo Niya sa krus. Ang krus Niya ang nagbigay sa atin ng kapayapaan sa Dios at ng lakas para sa sarili nating paglalakbay.