“Hindi sana ganito,” iyan ang panaghoy ng isang lalaking nagbigay-parangal sa kaibigang namatay nang bata pa. Nagbigay-sidhi ang mga salita niya sa matagal nang iyak ng puso ng sangkatauhan. Gustung-gusto nating baguhin ang mga hindi na mababago.
Maaari rin itong maglarawan sa naramdaman ng mga tagasunod ni Jesus pagkamatay Niya. Kaunti lang ang sinasabi sa Mabuting Balita tungkol sa nakakakilabot na mga oras na iyon, pero nabanggit ang ginawa ng ilang matapat na kaibigan.
Si Jose, isang relihiyosong pinuno na lihim na naniwala kay Jesus (Tingnan ang Juan 19:38), ay nagkalakas ng loob na hingin kay Pilato ang katawan ni Jesus (Lucas 23:52). Isipin mo sandali kung ano ang kailangan para maialis ang katawan mula sa karumal-dumal na pagpapako sa krus at maingat na maghanda para sa paglilibing niyon (Tal. 53). Isipin mo rin ang debosyon at tapang ng mga babaeng nanatili sa tabi ni Jesus, hanggang sa libingan (Tal. 55).
Hindi nila inaasahan ang muling pagkabuhay, sinisimulan lang nilang tanggapin ang pagluluksa. Natapos ang kapitulo nang walang pag-asa, puro dilim lang, “Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Jesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan” (Tal. 56). Hindi nila alam na ang Sabbath ay naghahanda para sa isang napakahalagang kasaysayan. Gagawin ni Jesus ang hindi kayang isipin. Tatalunin Niya ang kamatayan.