“Kumain ka na ba?” Ito ang malimit mong maririnig kapag bumisita ka sa isang bahay dito sa Pilipinas. Isa itong paraan ng pagpapakita ng paggalang at kabutihan nating mga Pilipino sa ating mga bisita. Kilala tayong mga Pilipino sa magiliw nating pagtanggap sa ating mga bisita.

Nagpakita rin naman ng kabutihan sa isang bisita si Rebeka na tauhan sa Biblia. Araw-araw umiigib ng tubig si Rebeka sa balon. Nang humingi sa kanya ang alipin ni Abraham na galing sa malayong paglalakbay, hindi nagdalawang-isip si Rebeka na bigyan siya ng tubig (Genesis 24:17-18).

Bukod pa rito, umigib din ng tubig si Rebeka sa balon para mapainom ang lahat ng kamelyo ng alipin ni Abraham (Tal. 19-20). Hindi siya nag-atubiling tumulong kahit na mahihirapan siya sa pag-iigib ng tubig.

Marami namang tao ang puno ng pagsubok sa buhay. Kaya naman, ang simpleng pag-aalok sa kanila ng tulong ay makakagaan sa kanilang loob. Ang pagiging daluyan ng pagpapala ng Dios ay hindi lamang sa malalaking paraan na nagagawa natin para sa ibang tao. Minsan, maaari itong sa simpleng mga paraan gaya ng pag-aalok sa iba ng tubig na maiinom.