Nitong mga nakaraang buwan, puro pagod at problema sa trabaho ang naranasan ko. Palagi akong nag-aalala kaya nagulat ako dahil sa kabila ng mga problema ay nakadarama ako ng kapayapaan. Sa halip na mag-alala ako, kalmado kong hinarap ang mga pagsubok sa trabaho. Naniniwala ako na tanging sa Dios nagmumula ang ganitong kapayapaan sa aking puso.
May pagkakataon naman na naranasan kong maayos ang mga sitwasyon sa aking buhay. Gayon pa man, nag-aalala pa rin ako. Alam ko naman na ganoon ang naramdaman ko dahil umaasa ako sa sarili kong kakayahan sa halip na magtiwala sa Dios. Kaya naman, napagtanto ko na ang tunay na kapayapaan ay hindi nakabatay sa mga nangyayari sa ating buhay kundi sa ating pagtitiwala sa Dios.
Mararanasan natin ang kapayapaang nagmumula sa Dios kung ang pag-iisip natin ay nananatili sa Kanya (Isaias 26:3). Kung lalapit tayo sa Dios, mararanasan natin ang Kanyang kapayapaan. Mapagkakatiwalaan natin ang Dios na Siyang nagbababa sa mga mapagmataas at nagtutuwid ng daan ng mga nagmamahal sa Kanya (Tal. 5-7).
Ang kapayapaang nagmumula sa Dios ang nagbibigay sa atin ng katiwasayan sa gitna ng mga pagsubok. Ang kapayapaan ng Dios, na hindi maaabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng ating mga puso at mga pag-iisip sa kabila ng mahihirap na pagsubok sa ating buhay (Filipos 4:6-7).