Nang ako ay nag-aaral sa seminaryo, ako ay nagtatrabaho ng buong oras. Dagdag pa riyan, ako rin ay naglilingkod bilang chaplain at bilang intern sa isang simbahan. Ako ay abala. Noong bumisita ang aking ama sa akin, sinabi niya, “Magkakasakit ka niyan.” Binalewala ko ang kanyang babala at inisip ko na iba ang henerasyon niya kaya hindi niya ako nauunawaan.
Hindi naman ako nagkasakit. Pero nagkaroon ako ng mga karanasan na nauwi sa depresyon. Mula noon, natuto na akong makinig sa mga payo lalo na iyong mula sa mga nagmamahal sa akin.
Naalala ko ang kuwento ni Moises na lingkod ng Dios. Nagtrabaho at naglingkod siya bilang hukom ng Israel (Exodus 18:13). Sa kabila ng kanyang katungkulan, pinili niyang makinig sa payo ng kanyang biyenang si Jetro (Tal. 17-18). Mahal ni Jetro ang pamilya ni Moises. Kaya naman, nagbigay siya ng babala sa mga problemang paparating. Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit nakinig si Moises kay Jetro. Isinaayos ni Moises ang kanyang ginagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng sistema kung saan ang maliliit na kaso ay ipinagkatiwala niya sa ibang may kakayanan samantalang ang malalaki at mahihirap na kaso naman ay sa kanya (Tal. 21-22). Dahil nakinig siya kay Jetro, naging maayos ang kanyang trabaho, natuto rin siyang magtiwala at magbahagi ng gawain sa iba. Naiwasan niya ang sobrang kaabalahan, ang pagkakasakit at depresyon sa panahong iyon ng kanyang buhay.
Marami sa atin ang seryoso at buong pusong nagtatrabaho para sa Dios, sa pamilya at sa iba. Pero kailangan pa rin nating pakinggan ang payo ng mga nagmamahal sa atin at umasa sa karunungan at kapangyarihan ng Dios sa anumang ating ginagawa.