Noong nagsisimula pa lamang ako sa paghahalaman at pag sasaayos ng aming hardin, araw-araw akong gumigising ng maaga upang tingnan kung may bulaklak o bunga na ang mga ito, ngunit lagi akong nabibigo. Matapos kong maghanap sa internet kung paano mabilis magpatubo ng halaman, nalaman ko na ang pinakamahalagang bahagi pala ng kanilang paglago ay ang seedling stage.
Nang malaman ko na hindi ito dapat minamadali, mas pinahalagahan ko ang mga maliit na detalye ng paglago ng aking mga halaman. Matapos ang ilang linggong matiyagang paghihintay ay sinalubong ako ng malalago, mabunga at mabulaklak na mga halaman.
Minsan, madaling purihin ang mga nakamit nating katagumpayan nang hindi natin nakikilala ang mga pagbabago at paglago na dulot nito sa ating mga pag-uugali. Pinapaalalahanan tayo ni Apostol Santiago na magalak tuwing haharap sa mga pagsubok (Santiago 1:2). Pero paano nga ba natin maituturing na kaligayahan ang pagharap sa mga pagsubok?
Hinahayaan ng Panginoon na humarap tayo sa mga pagsubok at paghihirap upang matanggap natin ang kalooban ng Dios sa ating buhay. Umaasa Siya na tayo ay magiging matiisin sa pagharap sa pagsubok upang ang ating buhay ay maging ganap at walang kakulangan (Tal. 4). Sa pamamagitan ng katapatan natin sa Dios, kakayanin natin ang bawat pagsubok na darating sa ating buhay na magpapatatag sa atin at hahayaan na mamayani sa atin ang bunga ng Banal na Espiritu (Galacia 5:22-23). Patuloy tayong lalago sa karunungan at mamumunga ayon sa kalooban ng Dios kung matatag tayong nagtitiwala sa Kanya (Juan 5:15).