Nahawa si Victor sa mga kaibigang tumitingin sa malalaswang larawan at nalulong sa pornograpiya. Pero alam na niya ngayon na mali ito – isang kasalanan sa Dios – at nakasakit sa misis niya. Nangako siyang gagawa ng nararapat na hakbang para ‘di na ulit tumingin sa malaswang larawan pero kabado rin na baka huli na ang lahat. Masasalba pa ba ang relasyon nilang mag-asawa? Magbabago pa ba siya at mapapatawad nang lubusan?

May kalaban – ang demonyo – na naglalatag sa atin ng tukso, na kunwari maliit na bagay lang ito. Gawain din ‘yan ng iba. Ano bang masama diyan? Pero kapag nahulog na tayo sa patibong, iba na ang paraan niya. Huli na’ng lahat! Malala ka na. Wala nang pag-asang magbabago ka pa.

Ganyan nga sa pakikipaglabang espirituwal, sasabihin ng kalaban kahit ano para sirain tayo. Sabi ni Jesus: “Mamamatay tao na ito sa simula pa lang at hindi pumanig sa katotohanan kailanman dahil wala itong puwang sa kanya ... likas siyang sinungaling at siya ang ama ng kasinungalingan” (Juan 8:44).

Hindi totoong maliit na bagay ang kasalanan natin at wala tayong pag-asang magbago. Kay Jesus tayo makinig, huwag sa kalaban. Ang pangako ni Jesus ang panghawakan natin: “Kung patuloy kayong susunod sa Aking turo, kayo nga’y tunay na mga alagad Ko. Makikilala ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Tal. 31-32).