Sa mga pinakaunang araw ng anak namin, madalas kong sabihin sa kanya ang pangalan ng mga bagay. Ituturo ko ang bagay at sasabihin ko ang pangalan, o ipapahawak ko sa kanya ang isang bagay na ‘di pa pangkaraniwan sa kanya at sasabihin ko ang pangalan para madagdagan ang pang-unawa niya at mga alam na salita tungkol sa malawak na mundong unti-unti niyang natutuklasan.

Gusto sana namin na Nanay o Tatay ang unang salita niya pero ginulat niya kami nang, isang araw, sinabi niya ang dight – malambing pero hindi saktong pagkabigkas sa salitang light (liwanag) na kakaturo ko pa lang sa kanya.

Liwanag. Ayon sa Biblia, isa ito sa pinakaunang salita ng Dios. Habang kumikilos ang Espiritu ng Dios sa ibabaw ng madilim at walang-hugis na mundong wala pang laman, idinagdag ng Dios ang liwanag nang sabihin Niyang, “magkaroon ng liwanag” (Genesis 1:3). Sinabi rin Niyang mabuti ang liwanag, at nagpapatunay nga dito ang Biblia: Ayon sa Salmo 119:130, “ang liwanag ng turo Mo’y nagsisilbing isang tanglaw” at ipinakilala ni Jesus ang sarili Niya bilang “liwanag ng sanlibutan,” ang nagbibigay ng liwanag ng buhay (Juan 8:12).

Pagbibigay ng liwanag ang unang sinambit ng Dios sa Kanyang paglikha. Hindi ‘yan dahil kailangan Niya ng liwanag para makalikha. Para sa atin ang liwanag. Kailangan natin ito para makita ang Dios at ang bakas ng mga daliri Niya sa mga nilikha Niyang nakapaligid sa atin, para matukoy ang mabuti at hindi, at paisa-isang hakbang na sumunod kay Jesus dito sa mawalak na mundo.