Malapit nang magsimulang magtrabaho si Lea bilang nurse sa Taiwan. Mas matutustusan na niya ang pangangailangan ng pamilya, kaysa kung sa Maynila na mas limitado ang trabaho at kita. Noong huling gabi bago tumungo sa Taiwan, nagbilin siya sa kapatid na mag-aalaga sa anak niyang limang taong gulang. “Iinumin niya ang bitamina kung bibigyan mo rin siya ng isang kutsara ng peanut butter. Mahiyain ang batang iyan kaya baka ‘di agad makipaglaro sa mga pinsan. At, takot siya sa dilim ...” Kinabukasan, nanalangin si Lea habang nakatanaw mula sa bintana ng eroplano: Panginoon, walang nakakakilala sa anak ko tulad nang pagkakakilala ko. Hindi ko siya makakasama, pero Ikaw samahan Mo po siya.
Kilala natin ang mga mahal natin sa buhay. Mahalaga sa atin kahit na maliit na bagay tungkol sa kanila. Madalas tayong mag-alala na baka malagay sila sa kapahamakan dahil walang nakakakilala sa kanila tulad sa pagkakakilala natin.
Pero paalala sa atin ni Haring David na higit tayong kilala ng Dios lubos din Niyang kilala ang mga mahal natin sa buhay (Salmo 139: 1-4). Siya ang Lumikha (Tal. 13-15), kaya’t alam Niya ang mga pangangailangan nila. Alam Niya kung ano ang magaganap sa bawat araw ng buhay nila (Tal. 16), at kapiling Niya sila at hindi sila iiwan (Tal. 5, 7-10).
Kapag nababalisa ka dahil sa pag-aalala mo sa iba, ipagkatiwala mo sila sa Dios dahil walang hihigit sa pag-ibig ng Dios at alam ng Dios ang pinakamainam para sa kanila.