Tuwing umaga, dinadalangin ko ang Ama Namin. Hindi ako kapakipakinabang sa bagong araw hanggat hindi ko naitatapak ang mga paa ko ng mga salita ng panalanging ‘yan. Kamakailan, dalawang salita – “Ama namin” – pa lang ang nasasabi ko nang biglang tumunog ang cellphone ko. Nagulat ako kasi 5:43 pa lang nang umaga. Pagtingin ko sa cellphone, nakita ko “Tatay” pero bago ko pa masagot, nawala na ang tawag. Malamang nagkamali lang siya nang pindot. Nagkataon lang ba? Siguro.
Pero naniniwala akong puno ang mundo ng awa ng Dios. Nang araw na ‘yon, nangangailangan ako ng katiyakang kapiling ko ang Dios at kumikilos Siya sa buhay ko.
Kung iisipin, sa dinami dami ng puwedeng ituro ni Jesus sa mga alagad Niya bilang pasimula sa panalangin, “Ama namin” ang pinili Niyang gamitin (Mateo 6:9) bilang panimula. Nagkataon lang? Hindi basta basta si Jesus sa pananalita Niya. Tayong mga tao, iba iba ang uri ng pakikitungo natin sa mga tatay natin – may ibang matiwasay, may ibang hindi masyado. Pero hindi pagtawag sa ama “ko” o ama “mo” ang panalanging turo ni Jesus: ang Ama natin na nakikita tayo at naririnig, at nakakaalam ng mga kailangan natin bago pa natin sabihin (Tal. 8).
Isang napakalaking pagtitiyak ito sa atin, lalo na sa mga araw na marahil ramdam nating para tayong nakalimutan, nag-iisa, iniwanan, o walang halaga. Tandaan, ano mang oras at nasaan man tayo, laging malapit sa atin ang Ama natin sa langit.