Magkaiba kami ng layunin sa sunflower (bulaklak na mirasol) ng mga usa sa lugar namin. ‘Pag nagtatanim ako, nananabik akong makita itong mamulaklak. Pero gusto lang ng mga usa na nguyain ang mga dahon at sanga hanggang walang matira. Taun taon ang laban – sinusubukan kong alagaan ang sunflower hanggang mamulaklak na hindi nalalamon ng mga usa. Minsan panalo ako; minsan naman, sila.
Kung iisipin ang buhay natin bilang tagasunod ni Jesus, madaling makita ang labanan sa pagitan natin at ng kaaway natin – si Satanas. Layunin natin ang paglago hanggang sa maging ganap ang ating espiritu upang mamuhay tayong napaparangalan ang Dios. Nais naman ng demonyo na lapain ang pananampalataya natin at pigilan tayong lumago.
Pero mas makapangyarihan si Jesus at kaya Niyang gawing ganap ang buhay natin (Colosas 2:10) at Siya ang dahilan kaya tayo nagiging lubos. Dahil nagtagumpay si Jesus sa krus ng kalbaryo, maaari tayong mangibabaw tulad ng magagandang sunflower.
Nang ipinako ni Jesus ang “mga akusasyon laban sa atin” (ang kabayaran ng kasalanan natin) sa krus (Tal. 14), tinalo na Niya ang kapangyarihang kumokontrol sa atin noon. Naging matatag at nakasalig tayo sa Kanya (Tal. 7) at binuhay tayo ng Dios kasama si Cristo. Kay Cristo mayroon tayong kapangyarihan (Tal. 10) upang labanan ang kaaway sa pag-atakeng espirituwal sa atin para mamukadkad tayo kay Jesus – at ipakita ang buhay na may tunay na kagandahan.