Matapos malaman na may cancer siya sa utak na walang lunas, nakahugot ng bagong pag-asa at layunin si Caroline sa paghandog ng kakaibang paglilingkod: pagkuha ng larawan ng mga batang may malubhang sakit kasama ang pamilya nila. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ang pamilya ng larawan ng mahahalagang sandaling kapiling ang anak – sa kalungkutan at sa panahon ng kagandahang loob na marahil ‘di-inakalang makikita pa sa ganoong sitwasyon. Nakita niyang “sa pahahong pinakamahirap, ang mga pamilyang iyon ...piniling magmahalan, sa kabila ng pinagdadaanan at dahil sa pinagdadaanan.”
May kapangyarihang hindi madaling tukuyin sa salita ang pagkuha sa totoong larawan ng dalamhati – ang nakakapanlumo at nararanasang ganda’t pag-asa kahit sa ganyang panahon.
Tila larawan ng dalamhati nga ang Aklat ng Job – karanasan ni Job nang siya’y nawalan (Job 1:18-19). Matapos umupo sa tabi ni Job nang ilang araw, napagod na ang mga kaibigan sa dalamhati nito at simula nang minaliit ang naranasan ni Job at sinabing parusa ito ng Dios. Pero hindi tinanggap ni Job ang paliwanag ng mga kaibigan. Pinanindigan niyang mahalaga ang pinagdaanan niya at sinabing sana maiukit ito sa bato (19:24).
At sa aklat ng Job “naiukit” nga ito – sa paraang itinuturo tayo sa Dios na buhay sa panahon ng ating pagdadalamhati (Tal. 26-27), na siyang kumakatagpo sa atin sa ating pasakit, binubuhat tayo mula sa kamatayan tungo sa pagkabuhay na muli.