Ibinahagi ko kay nanay ang magandang balita tungkol kay Jesus pagkatapos kong makilala si Jesus. Pero imbes na maniwala rin siya kay Jesus, ‘di niya ako kinausap sa loob ng isang taon. Duda siya sa mga nagtitiwala kay Jesus dahil sa hindi magandang karanasan niya sa ilan sa kanila. Pinagdasal ko siya at sinubukan tawagan linggu-linggo. Pinagaan ng Banal na Espiritu ang loob ko habang nagtatampo si nanay.
Sa wakas, sinagot na niya ang tawag ko sa telepono. Pinangako kong mamahalin siya at ibahagi sa kanya ang katotohanan ng Dios ‘pag may pagkakataon. Ilang buwan mula nang nagkaayos kami, sinabi niyang nagbago ako. Matapos ang halos isang taon, tinanggap rin niya bilang Tagapagligtas si Jesus, at, dahil diyan, mas lalung lumalim ang samahan namin.
Si Cristo ang pinakamahalagang regalong binigay sa tao. Sabi ni Apostol Pablo ipalaganap natin ang halimuyak ng bango ng pagkakakilala kay Cristo kahit saan (2 Corinto 2:14). Tinuring niyang “mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Dios” para sa mga nagtitiwala kay Cristo ang mga nagpapahayag ng Salita ng Dios, pero alingasaw ng kamatayan para sa mga tinatanggihan si Jesus (Tal. 15-16).
Pagkatapos tanggapin si Jesus bilang Tagapagligtas, pagkakataon na nating gamitin ang limitadong oras natin sa mundo para ipahayag ang katotohanan Niyang nakakapagbago ng buhay habang minamahal natin ang kapwa natin. Kahit sa pinakamahirap at pinakamalungkot na panahon, makakaasa tayong ibibigay Niya ang kailangan natin. Ano man ang kapalit, laging sulit ipahayag ang magandang balita ng Dios.