Noong 1799, nakakita ang labingdalawang taong gulang na si Conrad Reed ng malaki at makinang na bato sa sapang dumadaloy sa maliit na bukid ng pamilya niya sa North Carolina. Inuwi niya ito para ipakita sa tatay, isang mahirap na magsasakang dayo mula sa ibang lugar. Pero ‘di alam ng tatay kung ano ang posibleng halaga nito kaya ginamit itong pangpigil ng pinto.
Dinaan daanan lang nila ito nang maraming taon hanggang sa makita ng isang mag-aalahas ang bato na isa palang labingpitong librang tipak na ginto. Yumaman ang pamilyang Reed at ang bukid nila ang naging lugar ng kauna-unahang malawakang pagkadiskubre ng ginto sa Amerika.
Minsan dinadaan-daanan lang natin ang biyaya habang nakatuon tayo sa sariling plano at paraan natin. Matapos ipatapon sa Babilonia ang mga Israelita dahil sa pagsuway sa Dios, binigyan Niya silang muli ng kalayaan at ipinaalala sa kanila kung ano ang nakaligtaan nila. “Ako ang iyong Dios na si Yahweh. Tuturuan kita para sa iyong kabutihan, papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran. Kung sinunod mo lang ang aking mga utos, pagpapala sana’y dadaloy sa’yo, parang ilog na hindi natutuyo ang agos.” Hinikayat sila ng Dios na sumunod sa Kanya, lumayo sa lumang pamamaraan tungo sa bagong buhay: “Lisanin ninyo ang Babilonia ...! Buong galak na inyong ihayag” (Isaias 48:17-18, 20).
Tulad noon, ang paglisan sa Babilonia ang pag-iwan sa nakagawiang kasalanan para umuwi’t manahan sa Dios na nais tayong gawan ng mabuti – kung susundin lang natin Siya!