“Hindi ko ginawa ‘yon!” Nanlumo si Jane sa pagkakaila ng anak na binatilyo. Nagdasal siya at humingi ng tulong sa Dios bago tanungin ulit si Simon kung ano ang nangyari.
Pero patuloy sa pagtanggi si Simon hanggang sa sumuko na si Jane. Sinabi ni Jane na kailangan niya ng pahinga at nagsimulang lumakad palayo pero naramdaman niya ang kamay ni Simon sa balikat niya at narinig ang anak na humingi ng paumanhin. Tinugon ni Simon ang pagkilos ng Banal na Espiritu kaya nagsisi siya.
Sa Aklat na Joel sa Lumang Tipan, tinawag ng Dios tungo sa tunay na pagsisisi sa mga kasalanan ang mga Israelita sa paanyayang manumbalik sila sa Kanya nang taus sa puso (2:13). Hindi panlabas na pagpapakita ng pagsisisi ang hiningi ng Dios sa kanila kundi ang paglambot ng mga maling pananaw. Paalala ni propetang Joel sa mga Israelita na “mahabagin at mapagmahal” ang Dios, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig (Tal. 13).
Baka ‘di rin madali para sa atin na aminin ‘pag may nagawang pagkakamali dahil ayaw natin tanggapin ang kasalanan natin. Naranasan na nating pekein nang konti ang katotohanan at ikatwiran na maliit na kasinungalingan lang naman ‘yon. Pero kung tutugunin natin ang marahan pero pursigidong pag-uudyok sa atin ng Dios na magsisi, patatawarin Niya tayo at lilinisin tayo sa lahat ng kasalanan natin (1 Juan 1:9). Maaari tayong makalaya sa pagkakasala at kahihiyan sa kaalaman na pinatawad na tayo ng Dios.