Noong 1478, may nagtangka sa buhay ng pinuno ng Florence, Italy, na si Lorenzo de Medici. Naghiganti ang mga nasasakupan niya at nagkaroon ng giyera. Sa paglala ng sitwasyon, naging kalaban ni Lorenzo ang malupit na Haring Ferrante I ng Naples. Pero dahil sa isang matapang na kilos ni Lorenzo, nagbago ang lahat. Bumisita siya, mag-isa at walang armas, sa hari. Humanga ang hari sa tapang niyang ito, kasama ang talino at kaaya-ayang pagkatao. At natapos na ang giyera.

Natulungan din ng propetang si Daniel na makaranas ang isang hari ng pagbabago ng kalooban. Galit dahil hindi mailarawan at maipaliwanag ninuman sa Babilonia ang nakababahalang panaginip, ipinapapatay ng hari lahat ng tagapayo niya – kasama sina Daniel at mga kaibigan nito.

Pero hiniling ng propetang mabisita ang haring gustong pumatay sa kanya (Daniel 2:24). Sa pagharap niya sa hari, pinapurihan niya ang Dios dahil nahayag ang kanyang panaginip (Tal. 28). Ipinaliwanag ng propeta ang panaginip at pinuri ng hari ang Dios, “Tunay na ang Dios mo ang pinakadakila sa lahat ng mga Dios at Panginoon ng mga hari” (Tal. 47). Ang ‘di-karaniwang katapangan ni Daniel dahil sa tiwala nito sa Dios ang nakatulong sa kanya, sa mga kaibigan, at ibang tagapayo para mabuhay.

Minsan kailangan nga ng tapang para maipahayag ang mahalagang mensahe. Nawa gabayan ng Dios ang mga salita natin at bigyan tayo ng talino para malaman ang dapat nating ipahayag.