Madalas akong mamuno sa mga espirituwal na retreat. Biyaya ang paglayo ng ilang araw para magdasal at magmunimuni. Isa ito sa ipinapagawa ko sa mga kalahok: “Pag-isipan ito – natapos na ang buhay mo at nasa obitwaryo na ang pangalan mo para ipaalam sa tao ang iyong pagpanaw. Ano ang gusto mong nakasulat dito?” Ilang kalahok ang nagbago ng prayoridad dahil gustong maging maayos ang pagtatapos ng buhay nila.
Sa ikalawang Timoteo 4 naman makikita ang mga huling salitang sinulat ni Apostol Pablo. Kahit animnapung taong gulang lang at naharap na rin sa kamatayan dati, ramdam niyang papanaw na siya (2 Timoteo 4:6). Wala nang paglalakbay o pagsulat ng liham para sa mga na kay Cristo.
Nagbalik tanaw siya sa buhay niya at sinabing, “pinabuti ko ang pakikipaglaban, natapos ko ang dapat takbuhin, nanatili akong tapat sa pananampalataya” (Tal. 7). Kahit ‘di siya perpekto (1 Timoteo 1:15-16), tinimbang niya ang buhay niya ayon sa pagiging tapat sa Dios at sa magandang balita Nito. At ayon sa tradisyon, ‘di nagtagal pagkatapos nito, pinatay na siya bilang martir.
Nakakalinaw sa kung ano ang mahalaga ngayon ang pag-iisip sa mga huling araw natin. Magandang modelo ang sinabi ni Apostol Pablo. Pinagbuti ang pakikipaglaban, tinapos ang dapat takbuhin, at nanatili sa pananampalataya. Dahil sa huli, mahalaga ang pagiging tapat sa Dios habang binibigay ng Dios ang pangangailangan natin sa buhay at sa labang espirituwal para magtapos tayo sa buhay nang mabuti.