Setyembre 21, 1938. Tanghali: Nagbabala ang batang dalubhasang si Charles Pierce sa Tanggapan ng Pag-uulat ng Panahon ng Amerika tungkol sa banta ng bagyo sa New England. Pero hindi naniwala ang pinunong tagapag-ulat na magkakaroon ng bagyo na sobrang layo na sa hilaga.
Paglipas ng dalawang oras: tumama na ang ‘1938 New England Hurricane’ sa Long Island. 4:00 ng hapon: nananalanta na ang bagyo sa New England, nahagis sa lupa ang mga bangka at nilamon ng dagat ang mga bahay. Mahigit anim na daan ang namatay. Kung nakuha sana nila ang babala ni Pierce—na may detalyadong ebidensya at baka nakaligtas sana sila.
Nasa Biblia rin ang kahalagahan ng kung sino ang dapat pinakikinggan. Sa panahon ni propetang Jeremias, binalaan ng Dios ang mga Israelita laban sa mga huwad na propeta. “Huwag silang pakinggan,” sabi Niya. “Hindi totoo ang pag-asang dala nila. Sa sariling isip galing ang pangitain nila, hindi sa bibig ng Panginoon” (Jeremias 23:16). Sabi ng Dios, “kung kasama sila sa konseho ko, ipapahayag nila ang salita ko sa mga tao” (Tal. 22).
May mga “huwad na propeta” pa rin ngayon. Mga “eksperto” na nagbibigay ng payo habang binabalewala ang Dios o binabaluktot ang salita ng Dios para sa sariling kapakanan. Pero sa pamamagitan ng Salita at Espiritu ng Dios, binigay sa atin ng Dios ang kailangan natin para makilatis ang huwad at totoo. Kapag gamit nating panukat ang katotohanan Niya, makikita ito ng iba sa salita at buhay natin.