Noong tagsibol ng 2021, ilang storm-chasers ang kumuha ng video at litrato ng isang bahaghari na katabi ng buhawi sa Texas sa Amerika. Kita sa video na tila nakayuko ang mga sanga ng trigo dahil sa lakas ng umiikot na hangin at may isang matingkad na bahaghari ang nakaarko sa kulay-abong kalangitan patungo sa buhawi. Sa isa pang video kita ang ilang taong nakatayo sa gilid ng kalsada–saksi sa simbolo ng pag-asang hindi natitinag ng katabing buhawi na hugis imbudong ulap na malakas ang ikot.
Pag-asa rin ang handog sa atin ng Awit 107 na naghihikayat sa atin na umasa sa Dios sa panahon ng kahirapan. Inilarawan dito ang iba na nasa gitna ng bagyo at hindi na alam ang gagawin. “At nang nababagabag kay Yahweh sila ay tumawag, at dininig sila” ng Dios. (Tal. 27-28).
Batid ng Dios na minsan maaaring mahirapang kumapit sa pag-asa ang mga anak Niya kapag tila bagyo ang buhay. Kailangan natin ng paalala ng katapatan ng Dios, lalo na ‘pag madilim at magulo ang paligid.
Anong uri man ng bagyo ang dumating sa buhay natin, kaya ng Dios na payapain ito at gabayan tayo para maging ligtas (Tal. 29-30). Hindi man sa nais nating oras at paraan ang ginhawang hatid ng Dios, makakaasa tayong tutuparin ng Dios ang mga pangako Niya sa Banal na Kasulatan. Kaya Niyang gawing payapa kahit ano mang bagyo.