Maraming oras ang ginugol ko noon sa paghanap ng diamante para sa singsing pang-engagement. Nabagabag ako: paano kung hindi ko makita ang pinakamaganda?
Ayon sa dalubhasa sa ekonomiya na si Barry Schwartz, kita sa pag-aalinlangan ko na isa akong maximizer at hindi satisficer. Nagdedesisyon ang satisficer ayon sa kung ano ang nakakasapat sa pangangailangan pero sa maximizer kailangan lagi ang pinakamainam. Ano ang maaaring epekto ng pag-aalinlangan sa harap ng maraming pagpipilian? Pagkabalisa, kalungkutan, kawalang-kasiyahan.
Kahit na wala ang mga salitang maximizer o satisficer sa Biblia, makikita din dito ang tema at diwa nito. Sa 1 Timoteo, hamon ni Apostol Pablo kay Timoteo na hanapin ang kahalagahan sa Dios kaysa sa mga bagay sa mundo. Hindi lubos ang pangakong kaligayahan ng mundo kaya nga nais ng apostol na itanim ni Timoteo ang pagkatao niya sa Dios: Ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang (6:6). Para ngang satisficer ang apostol sa sinabing, “Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo’y may pagkain at pananamit” (6:8).
Kapag nakatutok ang paningin ko sa iba’t-ibang paraan na ipinangako ng mundo ang kasiyahan, kadalasan hindi ako mapakali at hindi masiyahan. Pero kapag nakatuon ako sa Dios at isinusuko sa Kanya ang pagiging maximizer ko, mas nagkakaroon ako ng tunay na kasiyahan at pahinga.