Ayon sa isang pag-aaral sa United Kingdom, karaniwang tumitingin sa cellphone ang mga taong nasa hustong gulang kada labindalawang minuto. Pero para bang kulang pa iyan kung iisipin ko gaano kadalas ako maghanap ng sagot sa Google o tumugon sa walang katapusang mensaheng pumapasok sa cellphone ko sa buong araw. Marami sa atin umaasa sa cellphone para maging organisado, maalam, at konektado.
Pero bilang tagasunod ni Jesus, mas magaling pa sa pinakamatalinong cellphone ang mapagkukunan natin. Dahil sa pag-ibig ng Dios sa atin, nais Niyang lumapit tayo sa Kanya para sa mga kailangan natin.
Sabi ng Biblia, “May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay Niya ang anumang hingin natin kung ito’y naaayon sa kanyang kalooban” (1 Juan 5:14). Sa pagbabasa ng Biblia at pag-iimbak ng Salita ng Dios sa puso natin, makapagdadasal tayo nang may kasiguraduhan para sa mga bagay na alam na nating nais ng Dios para sa atin tulad ng kapayapaan, katalinuhan, at pagtitiwala na ibibigay Niya ang kailangan natin (Tal. 15).
Minsan baka akala natin hindi tayo naririnig ng Dios kapag hindi nagbabago ang sitwasyon natin. Pero pinagtitibay natin ang tiwala sa Dios sa paglapit natin sa Kanya para sa lahat ng pangangailangan natin (Salmo 116:2). Dahil dito tumatatag ang pananampalataya natin – tiwala na kahit hindi natin makuha lahat ng nais natin, pangako Niyang ibibigay ang kailangan natin sa Kanyang tamang panahon.