Maibiging Dios, salamat po sa marahang pagwasto Mo sa akin. Sa yabang ko, akala ko kaya ko lahat mag-isa. Masakit ang dasal kong ito. Ilang buwan na akong tagumpay sa trabaho. Dahil sa mga parangal, natukso akong magtiwala sa sariling kakayahan at tanggihan ang pangunguna ng Dios. Natauhan lang ako na ‘di ako kasing galing nang akala ko noong makaharap ko ang isang mahirap na proyekto. Nalinlang ako ng mayabang kong puso na isiping ‘di ko kailangan ang tulong ng Dios.
Dinisiplina rin ng Dios ang makapangyarihang kaharian ng Edom dahil sa yabang nila. Nasa bulubunduking lupain ito kaya tila ligtas sa pananakop ng kalaban (Obadias 1:3).
Mayaman, sagana sa tanso na mahalagang kalakal noon at nasa gitna ng mahahalagang daanan ng kalakalan. Puno ang Edom ng magagandang bagay, pero puno rin ng yabang. Paniwala ng mamamayan nito na walang makakatalo sa kanila, kahit pa inaapi nila ang mga hinirang ng Dios (Tal. 10-14). Pero ginamit ng Dios si Propeta Obadias para sabihin ang hatol ng Dios. Sasalakayin ng mga bansa ang Edom at matatalo sila (Tal. 1-2).
Nililinlang tayo ng kayabangan na isiping puwede tayong mabuhay ayon sa sariling tuntunin, na wala ang Dios. Akala natin wala tayong kahinaan at ‘di natin kailangan pasailalim sa kapangyarihan o pangwawasto ng iba. Pero nais ng Dios na magpakumbaba tayo at magpasakop sa kapangyarihan Niya (1 Pedro 5:6). Magsisi tayo, talikuran ang kayabangan, at tanggapin ang gabay ng Dios tungo sa buong tiwala sa Kanya.