Sa pag-alala ng ika-76 na anibersaryo ng D-Day noong 2019, pinarangalan ang higit sa 156,000 na sundalong nakibahagi sa pagpapalaya ng Kanlurang Europa. Sa kanyang panalangin na ipinahayag sa radyo noong Hunyo 6, 1944, humingi si Pangulong Roosevelt ng proteksyon ng Dios, “Nakikipaglaban sila para matigil na ang pananakop. Nakikipaglaban sila para sa kalayaan.”
Ang kusang paglalagay ng sarili sa peligro para labanan ang kasamaan at palayain ang mga pinahihirapan, ay nagpaalala sa akin ng mga salita ni Jesus: “Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (Juan 15:13).
Dumating ang mga salitang ito sa gitna ng pagtuturo ni Cristo sa mga tagasunod Niya ng tungkol sa pagmamahal sa isa’t isa. Pero gusto Niyang maintindihan nila ang kabayaran at kalaliman ng ganitong uri ng pag-ibig: isang pag-ibig na handang magsakripisyo ng buhay para sa ibang tao. Ito ang batayan ng utos Niyang “magmahalan kayo” (Tal. 17).
Siguro maipapakita natin ang pagmamahal na ganito sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras para alagaan ang isang may- edad na kapamilya. Puwede nating unahin ang pangangailangan ng isang kapatid kapag pagod ito sa eskuwela. Puwede nating tanggapin ang ekstrang oras ng pag-aalaga sa anak, para makatulog pa ang asawa natin. Habang nagmamahal tayo nang may pagsasakripisyo, ipinapakita natin ang pinakamainam na pagpapahayag ng pag-ibig.