Napakaraming milya papuntang bundok ang naakyat na ng magkaibigang Melanie at Trevor. Pero hindi nila magagawa iyon kung hindi nila kasama ang isa’t isa. Si Melanie na may spina bifida ay naka-wheelchair. Nabulag naman si Trevor dahil sa glaucoma. Nalaman nila na bawat isa sa kanila ay nakakapag-ambag para mapuntahan nila ang ilang sa Colorado: Habang naglalakad, pasan ni Trevor si Melanie, habang ibinibigay naman ni Melanie ang mga direksyon. Tinatawag nila ang sarili nila na dream team.
Medyo kagaya ng dream team, inilarawan naman ni Apostol Pablo ang mga sumasampalataya kay Jesus bilang katawan ni Cristo. Inudyukan niya ang mga taga-Roma na kilalanin ang kani-kanilang kaloob kasi nakikinabang doon ang mas malaking grupo. Kung paanong ang pisikal na katawan natin ay binubuo ng iba’t ibang bahagi, bawat isa ay may iba’t-ibang gamit, tayo ang bumubuo sa “iisang [espirituwal na] katawan” at ang mga kaloob sa atin ay ibinigay para sa paglilingkod, para sa ikabubuti ng mga mananampalataya sa kabuoan (Roma 12:5).
Sa anyo man ng pagbibigay, pagpapalakas ng loob, pagtuturo, o anumang uri ng espirituwal na kaloob, sinasabi sa atin ni Pablo na tayong lahat ay bahagi ng isa’t isa (Tal. 5-8).
Sina Melanie at Trevor, hindi sila nakatuon sa kung ano ang wala sila, hindi rin sila nagpapayabangan. Sa halip, masaya nilang ibinibigay ang kanilang “kaloob” para sa paglilingkod sa isa’t isa, kinikilala nila na napabuti sila pareho dahil sa kanilang pagtutulungan.