Nakatira ang gurong si Jose sa kanyang kotse sa loob ng walong taon. Kada gabi, natutulog ang matanda sa kanyang 1997 Ford Thunderbird LX. Binabantayan niya ang baterya nito dahil ito ang bumubuhay sa computer niya sa gabi kapag nagtatrabaho siya. Imbis na gamitin ang perang naitabi para sa renta, ipinapadala niya ito sa mga kamag-anak niya sa Mexico na mas nangangailangan niyon.
Maagang-maaga araw-araw, nakikita siya ng isang dati niyang estudyante na may hinahanap sa likuran ng sasakyan. “Pakiramdam ko kailangang may gawin ako,” sabi ng estudyante. Kaya gumawa ito ng fundraiser at ilang linggo lang, ibinigay nito kay Jose ang tseke na tutulong para makapagbayad siya ng lugar na titirhan.
Kahit paulit-ulit na itinuro ng Kasulatan na bantayan natin ang isa’t isa, minsan mahirap makita iyon dahil sa mga problema natin. Sinaway ni Propeta Zacarias ang Israel sa halip na sumamba sa Dios at maglingkod sa iba, nagpipista lamang sila (Zacarias 7:6). Hindi nila pansin ang buhay na nagbabahagi sa iba, ni ang pangangailangan ng mga kapitbahay nila. Niliwanag ni Zacarias ang utos ng Dios: “Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap” (Tal. 9-10).
Madali tayong matuon sa pansarili nating kailangan, pero tinatawag tayo ng katapatan para mangalaga sa pangangailangan ng iba. Sa ekonomiya Niya, mayroong kasapatan para sa lahat. At sa habag ng Dios, pinipili Niyang gamitin tayo para makapagbigay sa iba.