Nakakalungkot na isipin na naging normal nang atakihin hindi lang ang opinyon ng iba, kundi maging ang taong nagbigay ng opinyon. Kaya nga, nabigla ako noong nagsulat ng reaction paper ang scholar at theologian na si Richard B. Hays kung saan sapilitang itinama niya ang isinulat niya maraming taon na ang nakakaraan! Sa Reading with the Grain of Scripture, ipinakita ni Hays ang malaking kababaang-loob noong itinama niya ang sarili niyang kaisipan dati, na ngayon ay inaayos na ng kanyang habambuhay na debosyon sa pag-aaral.
Habang ipinapakilala ang aklat ng Kawikaan, naglista si Haring Solomon ng maraming layunin ng koleksyon na ito ng mga kawikaan. Pero sa gitna ng mga layuning iyon, nagsingit siya ng hamon: “Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa” (Kawikaan 1:15).
Gaya ni Apostol Pablo na kahit ilang dekada nang sumusunod kay Cristo ay ninais pa ring makilala pa si Jesus (Filipos 3:10), inudyukan ni Haring Solomon ang matatalino na makinig, matuto, at patuloy na lumago.
Mas maganda kung handa lagi tayong magpaturo. Habang hinahangad nating patuloy na lumago at matuto ng mga bagay ukol sa pananampalataya (at ng mga bagay tungkol sa buhay), nawa ay hayaan natin ang Banal na Espiritu na gabayan tayo patungo sa katotohanan (Juan 16:13), upang mas maintindihan natin ang mga kamangha-kamanghang bagay ukol sa ating mabuti at dakilang Dios.