Lumakad si James sa mainit na gym ng bilangguan at umakyat sa portable na pool kung saan siya binautismuhan ng pastor. Nagalak si James nang marinig niyang ang anak niyang si Brittany—na kasama rin niyang bilanggo—ay binautismuhan din nang araw na iyon... sa parehong tubig! Nang malaman ang nangyari, pati mga tauhan doon ay naging emosyonal.
Maraming taon kasi na labas-pasok sila sa kulungan, pero ginusto ng mag- ama na mapatawad sila ng Dios. At magkasamang binigyan sila ng Dios ng bagong buhay.
Nasa Kasulatan ang isa pang pangyayari sa bilangguan—sa pagkakataong iyon, kasama ang isang guwardiya—kung saan binago ng pag-ibig ni Jesus ang isang buong pamilya. Matapos “lumindol” sa bilangguan at “nabuksan ang lahat ng pintuan,” hindi tumakas sina Apostol Pablo at Silas (Gawa 16:26-28). Bilang pasasalamat, isinama sila ng guwardiya sa bahay nito at sa wakas ay ibinigay nito ang tanong na nagpapabago ng buhay: “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” (Tal. 30)
“Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus,” sabi nila, “at maliligtas ka at ang iyong pamilya” (Tal. 31). Ipinapakita nito ang kagustuhan ng Dios na ibuhos ang awa Niya, hindi lang sa mga indibidwal kundi maging sa mga pamilya. Nang mahanap nila ang pag-ibig ng Dios, “ang kanyang (guwardiya) buong pamilya . . . ay sumasampalataya na sa Dios” (Tal. 34). Sabik tayo para sa kaligtasan ng mga mahal natin, pero puwede tayong magtiwala na mahal sila ng Dios nang higit sa pagmamahal natin. Nais tayong iligtas ng Dios pati ang ating pamilya.