Napakaganda ng karanasan ng bagong kasal na sina Kyle at Allison sa isang kakaibang lugar. Pero noong bumalik sila, nadiskubre nilang may makakating pantal si Kyle sa paa. Nagpunta sila sa espesyalista at sinabi nito na may maliliit na parasitiko na kumapit sa mga paltos ni Kyle sa paa dahil sa bago niyang tsinelas. Ang nagsimula bilang bakasyon ng kanilang mga panaginip ay natapos sa isang nakakahamong laban sa mga bisitang hindi naman inimbita.

Alam naman ni Haring David na kung hindi siya hihingi ng tulong sa Dios para kalabanin ang kasalanan, ang pangarap niyang kaaya-ayang buhay sa harap Niya ay magiging labanan sa mga di-imbitadong bisita, ang kasalanan at rebelyon. Matapos ideklara kung paano inilantad ng Dios ang natural na mundo (Salmo 19:1-6) at ang Kanyang karunungan ay matatagpuan sa Kanyang utos (Tal. 7-10), hiniling ni David sa Dios na protektahan siya mula sa hindi sinasadya, sa mapagmataas, at sa sinasadyang pagsuway sa utos.

Isinulat niya, “Kaya linisin Nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman. Ilayo Nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa” (Tal. 12-13). Kinilala niya na hindi niya kayang pigilan ang impeksyon ng kasalanan. Kaya matalinong humingi siya ng tulong sa Dios.

Paano natin matitiyak na hindi magugulo ng kasalanan ang pangarap nating buhay na nagpaparangal sa Dios? Ituon natin ang ating mga mata sa Kanya, aminin at ihingi natin ng tawad ang kasalanan, at humingi tayo ng tulong para mapigilan sa pagpasok sa buhay natin ang mga espirituwal na parasatiko.