Sabay silang tumitingin sa isang abstract painting nang mapansin nila ang mga bukas na lata ng pintura at mga brush sa ilalim niyon. Naisip nilang hindi pa tapos ang painting at puwedeng tumulong ang iba at magdagdag doon ng pinta. Iyon pala, sadyang iniwan ang mga gamit bilang display. Pero matapos mapanood sa video ang nangyari, nakita na di-pagkakaintindihan lang iyon at minabuti ng gallery na hindi na magsampa ng kaso.
Gumawa din ng di-pagkakaintindihan ang mga Israelitang nakatira sa silangan ng Jordan noong magtayo sila ng malaking altar sa tabi ng ilog. Akala ng mga taga-kanluran, nagrerebelde sila sa Dios—alam ng lahat na ang tabernakulo ang nag-iisang lugar na inaprubahan ng Dios para sa pagsamba (Josue 22:16).
Nagkatensyon hanggang sa ipinaliwanag ng mga nasa silangan na gusto lang nilang gumawa ng replika ng altar ng Dios. Gusto nilang makita iyon ng mga kaapu-apuhan nila at ipaalam ang kanilang espirituwal at minanang koneksyon sa ibang Israelita (Tal. 28-29). Sinabi nila, “Ang Panginoon po ang Makapangyarihang Dios! Nalalaman po Niya kung bakit namin ito ginawa” (Tal. 22). Salamat at nakinig ang iba. Nakita nila kung ano ang nangyari, pinuri nila ang Dios, at umuwi na.
Dahil “nakikita ng Panginoon ang bawat puso ng tao at nalalaman Niya ang ating layunin at pag-iisip” (1 Cronica 28:9), lahat ng motibo ay malinaw sa Kanya. Kung hihilingin natin na tulungan Niya tayong ayusin ang mga nakakalitong sitwasyon, bibigyan Niya tayo ng pagkakataon para magpaliwanag, o ng kagandahang-loob para magpatawad. Bumaling tayo sa Kanya kapag nahihirapan tayong makipagkaisa sa iba.