Maraming taon na ang nakakaraan, isinulat ni Joni Mitchell ang kantang “Woodstock” kung saan ipinakita niya ang mga tao na nahuli sa isang “kasunduan” sa diablo. Inudyukan niya ang mga nakikinig na hanapin ang mas simple at mas mapayapang pamumuhay, at inawit niya ang tungkol sa pagbalik sa “garden.” Nagsalita si Mitchell para sa isang henerasyon na naghahanap ng layunin at kahulugan ng buhay.
Siyempre pa, ang “garden” na tinukoy ni Mitchell ay ang Eden. Ito ang paraiso na ginawa ng Dios para sa atin noong pasimula. Sa halamanang iyon, regular na nakakasama nina Adan at Eba ang Dios—hanggang sa araw na nakipagkasundo sila sa diablo (Tingnan ang Genesis 3:6-7).
Iba ang araw na iyon. “Pagdating ng hapon, narinig nila na lumalakad ang Panginoong Dios sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon” (Tal. 8).
Nang tanungin ng Dios kung ano ang ginawa nila, nagsisihan sina Adan at Eba. Sa kabila ng pagtanggi nila, hindi sila iniwan doon ng Dios. “Gumawa ang Panginoong Dios ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito” (Tal. 21), isang sakripisyo na nagpahiwatig ng kamatayang daranasin ni Jesus para mapatawad ang ating mga kasalanan.