Sa librong The Human Condition, ibinahagi ni Thomas Keating ang isang di-malilimutang kuwento. Isang lalaki ang nakaluhod sa damuhan, hinahanap ang nawawala niyang susi ng bahay. Nang makita siya ng mga estudyante niya, tumulong sila sa paghahanap, pero walang nangyari. Sa wakas, “isa sa mas matatalino niyang estudyante” ang nagtanong, “May ideya po ba kayo kung saan n’yo nawala ‘yung susi?” Sabi ng guro, “Siyempre. Nawala ko ‘yun sa loob ng bahay.” Nang sumagot sila ng, “Eh bakit po dito tayo naghahanap?” sumagot siya, “Hindi ba halata? Mas maliwanag dito.”
Naiwala natin ang “pagiging malapit sa Dios, ang karanasan ng Kanyang mapagmahal na presensya,” pagtatapos ni Keating. “Kung wala iyon, walang ibang gagana; kung meron niyon, lahat gagana.”
Napakadaling kalimutan na ang Dios ang susi sa ating mga pinakamalalim na inaasam. Pero kapag handa na tayong huminto sa paghahanap sa mga maling lugar, naroon ang Dios, handang ipakita sa atin ang tunay na kapahingahan. Sa Mateo 11, pinuri ni Jesus ang Ama sa paghahayag Niya ng Kanyang mga paraan, hindi sa “marurunong at matatalino,” kundi “sa mga taong tulad ng bata” (Tal. 25). Tapos, inimbita Niya ang mga “nahihirapan at nabibigatan” (Tal. 28) na lumapit sa Kanya at magpahinga.
Gaya ng mga bata, makakahanap tayo ng tunay na pahinga habang natututo tayo ng karunungan ng ating Guro, na “mabait at mababang loob” (Tal. 29). Naroon ang Dios, handang sumalubong sa ating pag-uwi.