Sa una kong trabaho noong high school, nagtrabaho ako sa isang tindahan ng damit kung saan isang babaeng guwardiya ang nakabihis-sibilyan at sumusunod sa mga pinaghihinalaan nitong magnanakaw. May mga hitsura na sa tingin ng may-ari ng tindahan ay kahina-hinala, pero iyong mga hindi mukhang mapanganib ay hinahayaan na. Ako mismo ay nakaranas na mapasundan sa guwardiya, isang nakakawiling karanasan kasi alam ko ang taktikang iyon.
Parang ganoon din ang dineklara ni Haring David na sinusundan siya ng isang makadios na pagpapala—ang kabutihan at kaawaan ng Dios. Ang dalawang regalong ito ay palaging nasa malapit, sinusundan siya hindi dahil sa paghihinala, kundi dahil sa tunay na pag-ibig. Ang “kambal na bantay na anghel” gaya ng paglalarawan ng ebanghelistang si Charles Spurgeon sa pares na ito, ay sumusunod sa mga sumasampalataya kay Cristo sa maliwanag man o madilim na araw.
Bilang isang dating pastol, naiintindihan ni David ang sinadyang pagkapares na kabutihan at kaawaan na ibinigay ng Dios. May mga ibang bagay na maaaring sumunod sa mga mananampalataya—takot, pag-aalala, tukso, pagdududa. Pero “tiyak,” dineklara ni David nang walang pag-aalinlangan, susunod sa atin parati ang kabutihan at mapagmahal na awa ng Dios.
Ipinagdiwang ni David, “Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay” (Salmo 23:6). Isang nakamamanghang regalo na susunod sa atin pauwi!