Mainit noong araw na iyon at nagpapahinga kami ng apat na taong gulang na apo kong si Mollie. Habang nakaupo sa may balkonahe at umiinom ng tubig, tumingin si Mollie sa labas at sinabi, “Tingnan n’yo po ‘yung mga talsik ng liwanag.” Tumatagos ang liwanag ng araw sa makakapal na dahon at gumagawa ng anyo ng liwanag sa gitna ng madilim na anino.
Talsik ng liwanag. Hindi ba magandang imahe iyan ng pagkakasumpong ng pag-asa sa madilim na araw? Sa gitna ng madalas mahirap na panahon—kapag parang kakaunti ang magagandang balita—sa halip na magtuon sa anino, magtutuon tayo sa liwanag.
At may pangalan ang Liwanag—Jesus. Binanggit ni Apostol Mateo ang sinasabi ni Propeta Isaias para ilarawan ang kaliwanagan na dumating sa mundo sa pagdating ni Jesus: “Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita ng maningning na ilaw! Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan ay sumikat ang liwanag” (Mateo 4:16 MBB; Tingnan din ang Isaias 9:2). Nasa palibot natin ang mga epekto ng kasalanan habang nabubuhay tayo sa “lilim ng kamatayan.” Pero tumatagos sa anino ang liwanag ni Jesus, ang malaki at maluwalhating Ilaw ng mundo (Juan 1:4-5).
Ang liwanag ng pag-ibig at habag ni Jesus ay tumatagos sa anino—binibigyan tayo ng “mga talsik ng liwanag” para ilawan ang ating buhay at paliwanagin ang ating mga puso gamit ang pag-asa.