Nakikipaglaban si Kelly sa brain cancer nang magkakrisis ng COVID-19. Kasabay nito, nagkaroon ng likido sa palibot ng puso at baga niya at naospital ulit siya. Hindi siya mabisita ng pamilya niya dahil sa pandemya. Pero sumumpa ang asawa niyang si Dave na gagawa ito ng paraan.
Tinipon ni Dave ang mga mahal nila sa buhay, at pinagawa sila ng malalaking placard na may mensahe. Habang naka-mask, dalawampung tao ang tumayo sa kalsada sa labas ng ospital na may mga hawak na placard: “BEST MOM!” “MAHAL KA NAMIN!” “KASAMA MO KAMI.” Sa tulong ng isang nurse, nakalapit si Kelly sa bintana sa ikaapat na palapag. “Facemask at kumakaway na kamay lang ang nakita namin,” sabi sa post ni Dave sa social media, “pero magandang facemask at kumakaway na kamay.”
Sa bandang dulo ng buhay niya, pakiramdam ni apostol Pablo ay nag-iisa siya habang nanghihina siya sa kulungan. Isinulat niya kay Timoteo, “Sikapin mong makarating dito bago magtaglamig” (2 Timoteo 4:21). Pero hindi naman talaga nag-iisa si Pablo. Hindi siya pinapabayaan ng Panginoon at binigyan siya Nito ng lakas (Tal. 17). Pinalakas din ng ibang mananampalataya ang loob niya. “Kinukumusta ka nina Eubulus,” sabi niya kay Timoteo, “Pudens, Linus, Claudia at ng lahat ng mga kapatid dito” (Tal. 21).
Nilikha tayo para sa komunidad, at mas nararamdaman natin iyan kapag nasa krisis tayo. Ano ang puwede mong gawin para sa mga nakakaramdam ng pag-iisa ngayon?