Dumating sa wakas ang araw na iyon—ang araw na nalaman kong puwede rin palang manghina ang tatay ko. Noong bata ako, alam ko ang lakas at determinasyon niya. Pero noong nagkakaedad na ako, nagkaroon ng pinsala ang likod niya, at nalaman kong mortal pala talaga ang tatay ko. Tumira ako uli sa bahay ng mga magulang ko para tulungan siyang magbanyo, magdamit, pati pag-inom ng tubig.
Nakakababa iyon para sa kanya. Sinubukan niyang gumawa ng maliliit na gawain, pero inamin niyang, “Wala akong magagawang kahit ano kung hindi sa tulong mo.” Sa huli, bumalik siya sa dati niyang lakas, pero tinuruan kami ng karanasang iyon ng isang mahalagang aral: Kailangan namin ang isa’t isa.
At lalong kailangan natin si Jesus. Sa Juan 15, ginamit niyang ilustrasyon ang puno at ang sanga. Nakakaginhawang ideya, pero minsan parang suntok ito sa tiwala natin sa sarili. Napapapunta tuloy ang utak natin sa kaisipang, Hindi ko kailangan ng tulong mo. Pero malinaw ang sinabi ni Jesus—“wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa Akin” (Tal. 5).
Ang sinasabi ni Cristo ay tungkol sa pamumunga ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan” (Galacia 5:22), iyon ang buod ng pagiging disipulo. Tinawag tayo ni Jesus sa isang buhay na namumunga, at ang buong pagtitiwala natin sa Kanya ay nagdudulot ng mabungang buhay, isang buhay na ginagamit para sa kaluwalhatian ng Ama (Juan 15:8).