Sa unang tingin, inisip kong ang ipininta ni Makoto Fujimura na Consider the Lilies ay simple lang. Pero nabuhay ang larawan nang malaman kong ipininta iyon gamit ang 80 na patong ng dinurog na mineral sa isang istilo ng sining na tinatawag na Nihonga, o “mabagal na sining.”
Habang tinitingnan, mas nakikita ang patung-patong na pagkakumplikado at kagandahan niyon. Ipinaliwanag ni Fujimura na nakikita niya ang mabuting balita sa pamamaraang iyon dahil gumagawa ka ng “kagandahan mula sa pagkabasag,” kung paanong ang paghihirap ni Jesus ay nagdala ng pag-asa sa mundo.
Gustung-gusto ng Dios na kuhanin ang mga aspeto ng buhay natin kung saan tayo nadurog at nasira, at gumawa ng isang bago at magandang bagay. Kinailangan ni Haring David ng tulong ng Dios para ayusin ang pagkasira ng buhay niya dahil sa mga nagawa niya. Sa Salmo 51, na naisulat matapos niyang aminin na inabuso niya ang kanyang awtoridad noong makiapid siya at pumatay, inihandog ni David sa Dios ang kanyang “pusong nagpapakumbaba at nagsisisi” (Tal. 17) at humingi ng awa. Ang salita sa Hebreo na ginamit dito ay nidkeh, na ang kahulugan ay “dinurog.”
Para malikha ng Dios ang kanyang puso (Tal. 10), kailangan munang ialay ni David ang mga basag na piraso niyon. Ipinagkatiwala ni David ang puso niya sa matapat at mapagpatawad na Dios, na mapagmahal na tumatanggap ng mga nadurog at ginagawa itong isang bagay na maganda.