Pagkatapos alisan ng tumor sa utak, naiwan ang kitang-kitang peklat sa gilid ng ulo ng walong taong gulang na si Gabriel. Nang sabihin ng bata na pakiramdam niya ay halimaw siya, nagkaroon ng ideya ang tatay niyang si Josh: ipakita ang pagmamahal sa anak sa pamamagitan ng pagpapalagay ng tattoo sa gilid ng ulo, katerno ng peklat ni Gabriel.
Sabi ng salmista, ganito ang uri ng matatag at mahabaging pag-ibig ng Dios para sa mga “may takot sa Kanya” (Salmo 103:13). Gamit ang talinhaga, inilarawan ni David ang pag-ibig ng Dios. Sinabi niyang kasing-giliw ito ng pag-aalaga ng isang mabuting ama sa kanyang mga anak.
Kung paanong ang isang ama sa lupa ay nagpapakita ng kahabagan sa kanyang anak, ang Dios—ang ating Ama sa langit—ay nagpapahayag ng pag-ibig at pag-aalaga sa mga may takot sa Kanya. Mahabagin Siyang ama, at naiintindihan Niya ang bayan Niya.
Kapag nanghihina tayo at pakiramdam natin hindi tayo kamahal-mahal dahil sa mga peklat ng buhay, tanggapin natin nang may pananamapalataya ang pag-ibig ng ating Ama sa langit. Pinakita Niya ang Kanyang awa noong ipinadala Niya ang Kanyang Anak para “ibigay ang buhay para sa atin” (1 Juan 3:16)—para sa ating kaligtasan. Dahil doon, hindi lang natin nararanasan ang pag-ibig ng Dios, makikita din natin iyon sa krus. Hindi ba nakakatuwa na meron tayong Punong Pari na “nakaranas ng pagsubok na dumarating sa atin” (Hebreo 4:15)? Mayroon Siyang mga peklat bilang patunay niyan.