Para subukin ang tibay ng dalawang bahay, ginaya ng mga inhinyero ang lakas ng Category 3 na bagyo gamit ang malalaking bentilador na gumawa ng hangin na may bugsong 100 mph kada minuto. Ang unang bahay ay hindi ayon sa building code para sa bagyo, at ang pangalawa ay may pinatibay na bubong at sahig. Naalog ang unang bahay at nagiba, pero nagkaroon lang ng kaunting sira iyong pangalawa. Binuod ng isa sa mga inhinyero ang pag-aaral na iyon sa isang tanong: “Sa anong klaseng bahay ka titira?”
Sa pagtatapos ng pagtuturo ni Jesus tungkol sa mga pamumuhay sa kaharian, sinabi Niya, “Ang sinumang nakikinig at sumusunod sa Aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato” (Mateo 7:24). Dumating ang malakas na hangin, pero nakatayo pa rin ang bahay.
Sa kabilang banda, ang isang taong nakikinig pero hindi sumusunod ay, “parang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin” (Tal. 26). Dumating ang malakas na hangin at nabuwal ang bahay. Binigyan ni Jesus ng dalawang pagpipilian ang mga kausap niya: itayo ang buhay nila sa isang matatag na pundasyon ng pagsunod sa Kanya, o sa hindi matatag na buhangin ng sarili mong pagpapasya.
Kailangan din nating pumili. Bubuo ba tayo ng buhay kay Jesus at sa pagsunod sa salita Niya, o sa pagsuway sa utos Niya? Sa tulong ng Banal na Espiritu, kaya nating piliing mabuhay kay Cristo.