“Maraming puwedeng itanong ang isang batang artist,” sabi ng mang-aawit at kompositor na si Linford Detweiler ng grupong Over the Rhine. “Ang isa ay, ‘Ano ang dapat kong gawin para sumikat?’ ” Sinabi niya na ang ganoong layunin ay parang “pagbubukas ng pinto sa lahat ng mga nakakasirang puwersa mula sa loob at labas.” Pinili nila ng asawa niya ang di-marangyang daan ng musika kung saan “patuloy silang lumalago sa kabuuan ng buhay.”
Hindi sikat ang pangalang Jehoyada pero kasing-kahulugan nito ang isang buhay na inialay sa Dios. Naglingkod siya bilang pari noong paghahari ni Haring Joash, na naging mabuti ang pamamahala—salamat kay Jehoyada.
Nang pitong taong gulang si Joash, si Jehoyada ang naging daan kaya iniluklok siya bilang karapatdapat na hari (2 Hari 11:1-16). Pero walang agawan ng kapangyarihan dito. Sa koronasyon, “pinagawa ni Jehoyada ang hari at ang mga tao ng kasunduan sa Panginoon, na magiging mamamayan sila ng Panginoon” (Tal. 17). Tumupad si Joash sa pangako niya at nagsagawa siya ng maraming pagbabago. “At habang nabubuhay si Jehoyada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon” (2 Cronica 24:14). Dahil sa dedikasyon ni Jehoyada, “inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David” (Tal. 16).
Ganoong klase ng pagsunod ang nangingibabaw sa mundong nabaluktot na ng kasikatan, kapangyarihan, at pansariling ambisyon.