Ang impala na miyembro ng pamilya ng mga antelope, ay kayang tumalon nang hanggang lampas tatlong metrong taas at sampung metrong layo. Hindi iyon kapani-paniwala, pero siguradong mahalaga iyon para sa kaligtasan ng buhay nila sa Africa. Pero sa mga zoo, makikita mong nakakulong ang mga impala at nahaharangan ng pader na wala pang isang metro ang taas. Paano sila napipigilan sa ganoong lugar? Posible iyon dahil hindi tumatalon ang mga impala sa isang lugar nang hindi nila nakikita kung saan sila babagsak. Napipigilan ng mga pader ang mga impala dahil hindi nila nakikita kung ano ang nasa kabila niyon.
Bilang tao, hindi tayo naiiba. Gusto nating malaman ang magiging resulta ng sitwasyon bago tayo sumuong. Pero bihirang ganyan ang buhay-mananampalataya. Pinaalala ni Apostol Pablo sa iglesiya sa Corinto, “Namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita” (2 Corinto 5:7).
Tinuruan tayo ni Jesus na manalangin, “Masunod ang Inyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit” (Mateo 6:10). Ang pamumuhay nang may pananampalataya ay nangangahulugang nagtitiwala tayo sa magagandang layunin Niya kahit pa natatabunan ng misteryo ang mga layuning iyon.
Sa gitna ng mga di-kasiguruhan sa buhay, puwede nating pagtiwalaan ang Kanyang di-nagmamaliw na pag-ibig. Ano pa man ang itapon sa atin ng buhay, sisikapin nating “malugod ang Dios” sa atin (2 Corinto 5:9).