Ang masasayang sigaw sa basement namin ay galing sa asawa kong si Shirley. Ilang oras siyang nakipagbuno sa isang proyekto, at ngayon, handa na siyang matapos. Sa kanyang kabalisahan at pag-aalinlangan kung paano susuong, nanalangin siya sa Dios. Humingi din siya ng tulong sa mga kaibigan niya sa Facebook at natapos nga ang proyekto dahil sa pagtutulungan.
Maliit na bagay man ang proyektong iyon, may maliliit at hindi masyadong maliit na mga bagay na nakakapagdulot ng pag-aalala at kabalisahan sa atin. Siguro isa kang magulang na nagsisimula pa lang magpalaki ng anak; isang estudyante na nahaharap sa bagong hamon sa eskuwelahan; isang taong nagdadalamhati sa pagkawala ng isang mahal sa buhay; o nakakaranas ka ng hamon sa bahay, sa trabaho, o sa paglilingkod mo. Minsan nalalagay tayo sa bingit kahit hindi kailangan, dahil lang hindi tayo humihingi ng tulong sa Dios (Santiago 4:2).
Itinuro ni Apostol Pablo sa mga tagasunod ni Jesus sa Filipos at sa atin, na ang unang depensa natin sa oras ng kagipitan ay: “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat” (Filipos 4:6). Kapag mahirap ang buhay, kailangan natin ng mga paalalang gaya niyan.
At siguro sa paghingi natin ng tulong sa Dios, dadalhin Niya tayo sa paghingi ng tulong sa mga taong puwedeng tumulong sa atin.