Noong taong 2000, isang nagsisimulang kumpanya na nagpaparenta ng mga pelikula ang nag-alok sa Blockbuster na bilhin nito ang kumpanya nila sa halagang 50 milyong dolyar. Ang Blockbuster ang hari sa rentahan ng mga video noon. 300,000 lang ang subscribers ng Netflix, samantalang milyon-milyon ang sa Blockbuster.
Hindi kinagat ng Blockbuster ang alok ng maliit na kalaban. Ang resulta? Ngayon, mahigit sa 180 milyon ang subscribers ng Netflix at halos 200 bilyong dolyar na ang halaga ng kumpanya. At ang Blockbuster? Nalugi na. Wala talagang makakapagsabi ng kinabukasan.
Natutukso tayong maniwala na kontrolado natin ang buhay natin at magtatagumpay ang mga plano natin. Pero sinabi ni Apostol Santiago, “Ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos” (4:14). Kailangan ang pagpaplano, pero kasalanan ang pagpapalagay na tayo ang may kontrol. Kaya nga binalaan tayo ni Santiago na “nagmamalaki at nagmamayabang kayo,” at “Ang ganyang pagyayabang ay masama” (Tal.16).
Para maiwasan ang makasalanang gawaing ito, kailangan ang mapagpasalamat na pakikibahagi sa Dios. Pinapaalala ng pagpapasalamat na Siya ang pinagmulan ng bawat “mabubuti at angkop na kaloob” (1:17). Pagkatapos, kapag lumapit tayo sa Dios, hingin natin na hindi lang basbasan ang mga plano natin, kundi tulungan tayong samahan Siya sa ginagawa Niya. Iyan ang ibig sabihin ng panalanging, “Kung loobin ng Panginoon” (4:15).