Nakakatuwa si Zach, matalino, at gusto ng lahat. Pero sikretong nakipaglaban siya sa depresyon. Pagkatapos niyang magpakamatay noong 15 siya, sinabi ng nanay niyang si Lori, “Ang hirap tanggapin na ang isang taong may ganyang mga katangian ay aabot sa ganoong punto. Si Zach ... hindi siya abswelto sa suicide.” May mga panahon na binubuhos ni Lori sa Dios ang lungkot niya.
Sinabi niya na ang malalim na kalungkutan pagkatapos ng suicide ay “isang bagong antas ng pighati.” Pero natutunan niya at ng pamilya niya na sumandal sa Dios at sa iba para umamot ng lakas, at ngayon, ginagamit nila ang oras nila para mahalin ang iba na nakikipaglaban din sa depresyon.
Ang bagong motto ni Lori ay “Magmahal at sumandal.” Ang ideyang ito ay makikita rin sa kuwento ni Ruth. Nawalan si Naomi ng asawa at dalawang anak—ang isa ay kasal kay Ruth (Ruth 1:3-5). Inudyukan ni Naomi si Ruth na bumalik na sa pamilya nito kung saan ito maaalagaan. Pero si Ruth, kahit nagluluksa rin, “yumakap” sa kanyang biyenan at nangakong mananatili sa tabi nito at aalagaan ito (Tal. 14-17). Bumalik sila sa Betlehem, sa bayan ni Naomi, kung saan dayuhan si Ruth. Pero kasama nila ang isa’t isa, at ang Dios ang tumugon sa mga pangangailangan nila (2:11-12).
Sa panahon ng pagdadalamhati natin, nananatiling matatag ang pag-ibig ng Dios. Puwede tayong sumandal sa Kanya habang sumasandal at nagmamahal tayo sa iba sa pamamagitan ng Kanyang lakas.